ARAW NG PASKO

 

     Tuwing sasapit ang taglamig at buwan ng Setyembre, ito ang pahiwatig na malapit na ang Pasko. Isang masayang pagdiriwang kung saan lahat ay nagkakaisa at nagsasama. Isa rin itong pagdiriwang sa kapanganakan ng ating Maykapal, kung saan lahat ay nagpapatawaran at nagbibigayan. Ito ang araw ng Pasko, ang araw na pinakahinihintay ng mga tao, ang araw kung kailan lahat ay nagsasama at sabay-sabay na kumakain. Ang mga ilaw na inilalagay ay simbolo ng kanilang kasiyahan sa Pasko.


 

     Marami na ang nakagawian ng mga Pilipino tuwing Pasko, tulad ng pagbili ng mga pagkain na ihahanda sa Noche Buena at sama-samang pagluluto na pagtutulungan ng bawat isa. Isang masayang gawain na lalo tayong napapalapit sa ating pamilya. Pagkatapos magluto, ang ibang pamilya ay pumupunta sa simbahan upang magpasalamat sa Maykapal sa mga biyayang natanggap. Naririnig din natin ang mga kantahan ng mga batang nangangaroling sa mga bahay, at ang tunog nito ay nakakapagbigay ng saya dahil kapag narinig mo ito, ang boses ng maliliit na mga bata at ang tunog ng musika ay nagkakaisa at madadama mo talaga ang espiritu ng Pasko.


     Pagkatapos nito, sila ay uuwi at magdiriwang. Ang iba ay gising hanggang hatinggabi upang salubungin ang Pasko, kung saan ang bawat kasapi ng pamilya ay nagsasalo-salo ng pagkain at nagkukuwentuhan tungkol sa buhay ng bawat isa, habang ang mga bata ay naglalaro. Sa oras na ito, nagbibigayan na ng mga regalo ang isa't isa, at lahat ay masaya habang ginagawa ito. Masayang masaksihan ang mga ganitong gawain dahil dito mo makikita kung gaano kahalaga ang Pasko para sa mga tao.


     Masaya sa pakiramdam ang pagdiriwang ng Pasko kasama ang mga mahal natin sa buhay, kaya kahit ang iba ay malayo, sila ay handang umuwi upang makapiling ang pamilya sa araw ng Pasko. Iba ang pakiramdam kapag kasama mo sila. Mararamdaman mo talaga ang halaga ng Pasko kapag kasama mo ang mga mahal sa buhay, ang mga ngiti at tawanan ng bawat isa, at ang mga nakakaaliw na musika ng Pasko ay tila boses ng iyong ina kapag ikaw ay natutulog. Ang malamig na simoy ng hangin at ang mga kantahan ng mga tao sa paligid ay nakakapagpataba ng puso.



     Kaya sulitin natin ang Pasko na kasama ang ating pamilya at tayo ay magsaya kasama sila. Sa araw ng Pasko, magbigayan, magpatawad, at magmahalan dahil iyon ang Pasko. Makikita natin sa mata ng mga tao ang kanilang kasiyahan kapag kasama ang mga mahal sa buhay, at ito ang kasiyahang hindi mapapantayan kailanman. Ang pagdiriwang ng Pasko kasama ang pamilya ay napakahalaga para sa mga Pilipino dahil ito ay palatandaan ng pagmamahal nila sa kanilang pamilya. Sa araw ng Pasko, lahat ay nagsasaya. Pahalagahan natin ang mga oras na kasama natin sila sa araw ng Pasko dahil hindi lahat ay nakakaranas nito, at dalhin natin ang mga masasayang alaala ng Pasko habang buhay.

Comments

Popular posts from this blog

PAGSULAT NG BALITA

Ang aking unang karanasan sa blogging

AMAZON ECHO DOT: PINAPADALI ANG BUHAY SA BAHAY