SAKRIPISYO PARA SA PANGARAP AT PAMILYA

     May mga lugar na napuntahan natin at masasabi nating maganda o hindi. Minsan dito na tayo namamalagi sa maraming kadahilanan. May mga taong nasa malayo at nais umuwi sa lugar kung saan sila lumaki, kung saan sila namulat sa mga katotohanan, kung saan sila nagkaroon ng mga masasayang alaala—ito ang lugar kung saan tayo lumaki, ang ating lupang kinagisnan. Maraming tao ang nais makabalik sa kanilang lupang kinagisnan.



     Isa na rito ang mga OFW. Ito ang mga taong handang iwan ang kanilang mga pamilya upang tuparin ang mga pangarap para sa mga mahal sa buhay, kaya sila ay nakikipagsapalaran sa ibang bansa at nangangarap na matupad ang mga pangarap sa ibang lugar. Ito ang mga taong handang ibuwis ang kanilang sarili para sa pamilya at kinabukasan nila—sila ang mga OFW.




     Dito sa Pilipinas, maraming tao ang naghihirap dahil sa kawalan ng pera at hirap ng buhay. Dahil dito, ang mga tao ay pumupunta sa ibang bansa at nagbabakasakali na ito ang sagot sa kanilang problema, kahit na alam nila na magiging mahirap ang kanilang buhay doon sapagkat hindi nila alam kung anong klaseng mga tao ang kanilang makikilala, kung ito ba ay mabait o masama. Ang mga taong nandoon ay nagpapakahirap para lang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya—pamilya na nandito sa Pilipinas at nagpapakasaya dahil sa perang binibigay ng kanilang mga kamag-anak sa ibang bansa.



     Ngunit hindi natin alam ang hirap nila, pagod at tiyaga para lang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya. Minsan ay walang tulog dahil sa trabaho, minsan ay pagod at walang makapitan, minsan sila din ay nalulungkot dahil sa kagustuhang bumalik sa piling ng kanilang mga pamilya, minsan ay namamaltrato pa sila. Ngunit tinitiis nila ito upang may maibigay lang sa pamilya at matustusan lahat ng pangangailangan.



     Handa silang tiisin ang sakit at hirap na dinaranas sa ibang bansa para lang mabigay ang kasiyahan at tuparin ang pangarap ng pamilya. Kaya't ating pasalamatan ang mga taong nagbubuwis sa ibang bansa para lang mabigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya at para sa ating bansa. Saludo ako sa inyo at sana ay huwag ninyong kalimutan ang inyong mga sarili. Maganda at mabuti ang inyong hangarin na ibigay ang mga kailangan ng pamilya, ngunit magtira para sa inyong mga sarili.


     Ating pahalagahan ang ating mga kamag-anak na nagtatrabaho para sa atin. Tinitiis nila ang hirap para sa atin kaya huwag nating kalimutan na sila ay pasalamatan at ibigin ang ating lupang kinagisnan, sapagkat ang ilan sa kanila ay hindi kayang bumalik sa kani-kanilang mga bayan kahit na gusto nilang bumalik.

Comments

Popular posts from this blog

PAGSULAT NG BALITA

Ang aking unang karanasan sa blogging

AMAZON ECHO DOT: PINAPADALI ANG BUHAY SA BAHAY