Lugar na puno ng sining at kasaysayan


Sa pusod ng Tacloban City, tahimik na nakatayo ang isang mansyon na may hindi matatawarang halaga sa kasaysayan ng Pilipinas—ang Santo Niño Shrine and Heritage Museum. Itinayo noong panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa pangunguna ng kanyang asawa na si Imelda Marcos, ang shrine na ito ay hindi lamang isang tahanan kundi isang obra maestra na sumasalamin sa yaman ng kulturang Pilipino at pandaigdigang sining.
Pagpasok Mula sa labas, maaaring isipin ng isang bisita na isa lamang itong karaniwang bahay, ngunit sa sandaling tumuntong sa loob, agad na sasalubong ang engrandeng kapilya na siyang nagsisilbing sentro ng espiritwalidad ng tahanan. Ang altar, na may imahe ng Santo Niño, ay nagpapalabas ng kakaibang sinag ng kasaysayan at pananampalataya. Sa unang palapag din matatagpuan ang labing-isang guest rooms, bawat isa ay may natatanging disenyo batay sa iba’t ibang likas na yaman ng Pilipinas tulad ng silid na mula sa coconut-inspired room hanggang sa mga silid na pinalamutian ng mga tradisyunal na paintings at gamit.


Sa ikalawang palapag naman, matatagpuan ang mga personal na silid ng pamilya Marcos. Isa sa mga tampok dito ay ang kwarto ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na may bulletproof walls, patunay ng mataas na seguridad sa panahong iyon. Nariyan din ang silid ng kasalukuyang Pangulo Bongbong Marcos Jr., pati na ang kay Imelda Marcos at ang kanyang mga anak na babae. Isa sa mga pinakapinag-uusapang bahagi ng tahanan ay ang "Infinity Mirror" sa silid ni Imelda—isang malaking salamin na, kapag tinignan, tila walang katapusang sumasalamin ng ilaw na nakasabit sa kaniyang silid.

Sa palapag na ito rin matatagpuan ang isang napakalaking dining hall na may 30 upuan, sumasalamin sa marangyang estilo ng pamumuhay ng pamilya Marcos. Hindi rin mawawala ang malalaking obra maestra at mural na nagtatampok ng iba’t ibang kwento ng kasaysayan ng Pilipino.



Ang Pinakatuktok ng Sining
Sa ikatlong palapag, masisilayan ang isang malawak na grand hall na tila isang museo ng sining. Sa bawat sulok ay may makikita kang mga antigong upuan, eskultura, at isang pinturang imahe nina Malakas at Maganda, na nagpapakita ng paniniwala ng mga Pilipino tungkol sa pinagmulan ng lahi. Ang silid na ito ay ginamit noon bilang lugar ng pagtitipon para sa mahahalagang panauhin.

Pamana at Kahalagahan
Bagamat bahagi ng kontrobersyal na kasaysayan ng Pilipinas, nananatiling mahalagang cultural landmark ang Santo Niño Shrine. Hindi lamang ito isang patunay ng marangyang pamumuhay ng mga Marcos noon, kundi isa ring testamento sa sining, arkitektura, at kwentong nais ikwento ng panahon.
Para sa sinumang mahilig sa kasaysayan at sining, ang pagbisita sa Santo Niño Shrine ay isang paglalakbay sa isang nakalipas na panahon na puno ng misteryo, kagandahan, at aral para sa hinaharap.

Comments

Popular posts from this blog

PAGSULAT NG BALITA

Ang aking unang karanasan sa blogging

AMAZON ECHO DOT: PINAPADALI ANG BUHAY SA BAHAY