Alaala ng Pagyanig

      Isang malakas na lindol ang nagbulabog sa mga mamamayan ng Cebu. Puno ng takot at sigawan ang maririnig sa paligid. Isa ako sa mga nakadama ng lindol, at kahit malayo ang aking tinitirhan, dama ko ang tindi ng pagyanig. Ngunit hindi ko naisip na higit pa pala ang pinsalang idinulot nito sa ibang lugar—naghatid ito ng matinding kalungkutan, takot, at masakit na alaala sa maraming tao.

     Sa Bogo City, Cebu ang sentro ng malakas na lindol, na umabot sa 6.9 magnitude ang lakas. Sa sobrang tindi nito, maraming napinsala—hindi lamang mga bahay, hanapbuhay, at imprastruktura, kundi pati mga buhay. Naalala ko pa noong una akong nakarating sa Cebu. Punô ito ng mga taong masiyahin at matulungin, at ng mga lugar na magaganda at nakakabighani dahil sa mga kwento sa likod ng bawat sulok. Ngunit sa aking pagbabalik, isang malungkot na tanawin ang aking nasilayan.

     Sa bawat pagtingin ko sa daan, nakikita ko ang mga tao sa labas ng kanilang mga sirang tahanan, mga kalsadang wasak, at mga mamamayang nanghihingi ng tulong sa gilid ng daan—nagbabakasakaling mabigyan ng kaunting pagkain. Kapag sila'y nakatanggap, labis ang tuwa at ito'y agad na hinahati ng buong pamilya. Ramdam ang sakit na dinanas ng mga taga-Cebu. Hindi lamang ari-arian ang nawala, kundi pati ang ilang mahal nila sa buhay—ang iba'y nagbuwis pa ng sarili upang mailigtas ang kanilang pamilya.

     Isa sa mga kwento ng kabayanihan ay tungkol sa isang 17 taong gulang na babae na nagbuwis ng buhay upang iligtas ang kanyang mga magulang at kapatid. Sa isang panayam, kita ang sakit sa mga mata ng kanyang ama at ina, ngunit labis din ang pasasalamat—dahil sa kanyang sakripisyo, nailigtas ang kanyang pamilya. Siya ay isa lamang sa mga nasawi dahil sa lindol.

     Isa rin sa mga napinsala ay isang lumang simbahan na dinarayo ng mga tao. Labis ang panghihinayang ng mga mamamayan, sapagkat ito'y isa sa mga iniingatang pamana ng Cebu.

     Sa bawat pagyanig ng lupa, isang buhay ang nawawala, isang pamilya ang nawawalan ng tirahan, isang bayan ang nasisira. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, maraming tao ang naghatid ng tulong—mga sasakyang may dalang pagkain, tubig, at damit para sa mga nangangailangan. Kita sa mga mata ng mga tao ang pasasalamat sa bawat tulong na natanggap. Sa gitna ng madilim at masalimuot na panahon, may mga pusong handang tumulong.

     Kaya patuloy tayong nananawagan: ipagdasal natin ang Cebu, na malampasan ang sakunang ito. Masakit ang dinaranas ng mga mamamayan, ngunit hindi sila nag-iisa. Maraming tao ang handang tumulong—at patuloy pang tumutulong.



Comments

Popular posts from this blog

PAGSULAT NG BALITA

Ang aking unang karanasan sa blogging

AMAZON ECHO DOT: PINAPADALI ANG BUHAY SA BAHAY