LIWANAG SA GITNA NG DILIM

 

“Tulong!”—salitang paulit-ulit na isinisigaw ng bawat Pilipino sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad na dumaan sa bansa. Isang bansang kilala sa magagandang tanawin, masiglang kultura, at matatag na komunidad, ngayo’y tila nalugmok sa dilim. Unti-unting nawala ang ganda ng paligid, natabunan ng baha, putik, at kalungkutan.

Ang takot ay nananatili sa puso ng bawat isa. Lubog ang maraming bayan, wasak ang mga tahanan, nawala ang kabuhayan, at higit sa lahat, maraming mahal sa buhay ang nawala. Sa gitna ng lahat ng ito, isang tanong ang nasa isipan ngmga tao,kung  paano nga ba sila muling babangon sa trahedyang ito?

Noong nakaraang Oktubre, matinding lindol at pagsabog ng bulkan ang yumanig sa maraming bayan sa Visayas. Ngunit ang pinakamatinding tinamaan ay ang lalawigan ng Cebu. Maraming bayan ang nawalan ng tirahan, nasira ang mga daanan, at nawala ang kabuhayan ng libu-libong mamamayan. Isa ito sa pinakamabigat na trahedyang dinanas ng mga taga-Cebu.

At habang unti-unti pa lamang silang bumabangon mula sa trahedya, dumating naman ang malakas na bagyong Tino sa pagsisimula ng Nobyembre. Malalakas na hangin at walang tigil na ulan ang sumalubong sa mga tao. Muling lumubog sa baha ang maraming lugar sa Cebu. Kita sa mga mata ng mamamayan ang takot—kanya-kanyang akyat sa bubong upang makaligtas sa rumaragasang tubig. Mga batang umiiyak sa gitna ng gutom, lamig, at pangamba. Mga tao at hayop na inanod ng baha.

Marami ang nagsakripisyo upang mailigtas ang kanilang sarili at pamilya. Ngunit sa kabila ng lahat ng pagsusumikap, marami pa rin ang nawalan—ng tahanan, ng kabuhayan, at ng mga mahal sa buhay. Kita sa bawat Pilipino ang sakit at lungkot sa mga nangyari.

Ngunit sa kabila ng dilim, may liwanag na dumating. Maraming tao mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagtungo sa Cebu upang mag-abot ng tulong—mga sasakyang punô ng pagkain, damit, at tubig. Mga kamay na handang umalalay, mga pusong bukas sa pagtulong. Sa kabutihang ipinakita ng mga ito, muling nabuhay ang pag-asa ng mga taga-Cebu. Sa gitna ng unos, lumitaw ang mga bayani—mga mandirigmang Pilipino na hindi sumusuko, bagkus ay nagtutulungan upang muling bumangon.

Sila ang tunay na mandirigma at bayani ng ating bayan—mga mandirigmang hindi tumitigil sa paglaban sa pagsubok ng buhay. Kahit anong sakit at hirap ang kanilang dinaranas, patuloy silang naghahanap ng paraan upang magpatuloy sa agos ng buhay. At mga bayani na, kahit anong layo, ay handang maglakbay upang maghatid ng tulong—may bukas at matatag na puso, patunay na sa kabila ng lahat, may mga taong maaasahan.

Ito ang dapat nating matutunan: kahit anong mangyari—kahit masakit at mahirap—kailangan nating tanggapin at magpatuloy sa ating buhay, sapagkat mayroong pang bukas. Sa kabila ng dilim, may liwanag. Ito ang aral na iniwan ng mga sakunang ating naranasan. Ako’y saludo sa mga matatapang na mandirigma at bayaning Pilipino. Pinatunayan nila na hindi mo kailangang maging sundalo upang maging mandirigma, at hindi mo kailangan ng kapangyarihan upang maging bayani. Marami pang darating na sakuna, ngunit sabay-sabay natin itong haharapin—hindi nag-iisa, kundi nagtutulungan.

Comments

Popular posts from this blog

PAGSULAT NG BALITA

Ang aking unang karanasan sa blogging

AMAZON ECHO DOT: PINAPADALI ANG BUHAY SA BAHAY